Lindol kahapon muling nagpaalala ng banta ng paggamit ng mahinang klase ng bakal sa pagpapatayo ng mga gusali at iba pang istruktura

Eksaktong pinag-uusapan  sa Climate Smart and Disaster Resilient Asean International Conference sa pangunguna ni U.S. Ambassador Sung Kim ang banta ng lindol sa Metro Manila nang maganap ang malakas na pag-yanig na nagdulot ng malaking pinsala sa Pampanga, Zambales at mga karatig na lalawigan kahapon.

Ayon kay RJ Javellana, presidente ng United Filipino Consumers and Commuters, dahil sa pagguho ng supermarket sa Porac, nmuli na namang nabuhay ang pangamba at mga agam-agam sa paggamit at talamak na pagbebenta ng  mga mahinang klase na mga bakal na ginagamit sa pagpapatayo ng mga gusali at iba pang mga imprastruktura sa ibat-ibang lugar sa bansa.

Maalalang lumutang sa pagdinig sa senado noong nakaraang taon sa ilalim ng Commitee on Trade, Commerce and Entrepreneurship ang pagbebenta ng mga tinatawag na Quench Tempered o QT bars at Thermomechanically Treated  reinforcing steel bars o rebars.


Lumabas din sa nasabing pagdinig na ang mga QT bars ay hindi pasok sa standard dahil ang labas na parte lamang nito ang pasok sa minimum grade pero ang loob nito ay mahina at hindi maaasahan ang tibay sa mga kalamidad gaya ng malakas na lindol.

Mismong si Pampanga Governor Lilian Pineda ang nagsabi na kailangan maimbestigahan kung ano ang mga materyales na ginamit sa pagpapatayo ng gumuhong apat na palapag na supermarket sa Porac.

Facebook Comments