Lindol na yumanig kahapon sa Quezon at karatig lalawigan, hindi konektado sa West Valley Fault

Nilinaw ng Office of Civil Defense (OCD) na walang kinalaman o hindi konektado sa West Valley Fault ang Magnitude 4.6 na lindol na yumanig sa bahagi ng Quezon at mga karatig-probinsiya kahapon.

Sa emergency meeting na idinaos kahapon pagkatapos ng lindol ng National Disaster Risk Reduction and Management Operations (NDRRMO) Center kasama ang mga regional office ng OCD mula sa National Capital Region (NCR), Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA nabatid na ang lindol ay nagmula sa lokal na fault sa Sierra Madre Range.

Sa datos pa ng OCD, walang naiulat na pinsala dulot ng lindol partikular sa mga importanteng pasilidad tulad ng Ipo, Angat, Bustos, at Pantabangan dam na nasa Gitnang Luzon.

Ligtas din ang General Nakar at mga karatig-lugar, kabilang ang Caliraya Dam.

Sa ngayon, patuloy parin ang monitoring ng pamahalaan kung saan panawagan sa publiko na manatiling kalmado, maging alerto, at maghanda sa posibleng aftershocks.

Facebook Comments