Line crews ng NGCP, puspusan na ang pagsasaayos sa nasirang transmission lines dulot ng Bagyong Opong

Naka-deploy na ang mga line crew ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa mga naapektuhang linya ng kuryente matapos manalasa ang bagyong Opong.

Apektado ang mga customer ng anim na Electric Cooperatives sa MIMAROPA (Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) at Visayas Region.

Sa ulat ng National Electrification Administration-Disaster Risk Reduction and Management Department (NEA-DRRMD), nagkaroon nang malawak na power interruption ang franchise areas ng MARELCO sa Marinduque, MASELCO sa Masbate, OMECO sa Occidental Mindoro, ORMECO sa Oriental Mindoro, TIELCO sa Tablas Island sa Romblon at TISELCO sa Ticao Island sa Masbate.

Habang may 78 electric cooperatives sa buong bansa ang mahigpit na binabantayan ng NEA na naapektuhan ang operasyon nitong mga nagdaang bagyo at habagat.

Nasa 627 mula sa kabuuang 916 affected municipalities (68.45%) ang na-energize na habang nagpapatuloy pa ang restoration efforts sa mahigit 1.3 million consumers.

Sa ngayon, patuloy na nagsasagawa ng inspection ang mga line crew para i-assess ang pinsala ng bagyo sa kanilang mga pasilidad at operasyon.

Tiniyak naman ng NGCP na tuloy-tuloy ang kanilang isinasagawang restoration activities sa mga lugar na napasok na ng kanilang mga tauhan.

Ang iba namang nasirang pasilidad ay kanilang isasaayos kapag tuluyan nang bumuti ang panahon.

Facebook Comments