Dismayado sa pamunuan ng MERALCO ang mga residente ng dalawang Compound sa Barangay Apolonio Samson, Quezon City.
Ito ay dahil sa kahit may mga pumunta nang mga lineman mula sa MERALCO ay hindi naman pala magkakaroon agad ng power supply sa kanilang lugar.
Ayon sa lineman ng MERALCO, hindi pa nila matiyak kung magagawan ng paraan na maibalik ang suplay ng kuryente ngayong maghapon.
Hihintayin pa raw nila ang resulta ng assessment at saka sila maghihintay ng direktiba sa sangay ng MERALCO na malapit lamang sa lugar.
Isang linggo nang kanselado ang face-to-face classes sa Barangay Apolonio Samson dahil sa init ng panahon kaya’t apektado rin ang online classes ng mga estudyante.
Ayon kay Aling Flor Angeles, alas-4:00 ng madaling araw kanina nang magputukan ang linya ng kuryente na nagresulta sa malawakang brownout.
Paliwanag pa ni Angeles, mahigit pa sa 100 kabahayanang apektado at ngayon ay nasa labas na ng kanilang mga tahanan dahil sa kawalan ng supply ng kuryente sa gitna ng init ng panahon.