Manila, Philippines – Masusundan pa ang serye ng balasahan sa hanay ng ilang opisyal ng mga distrito sa ilalim ng National Capital Region Police Office o NCRPO.
Ayon kay NCRPO Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar normal lamang na magpatupad ng balasahan sa kanilang hanay at kinakailangan din nilang paghandaan ang pagretetiro ng ilan nilang opisyal.
Matatandaang kahapon nagkaroon ng rigudon sa ilang district directors sa Metro Manila.
Kabilang na dito ang Eastern Police District (EPD) at Northern Police District (NPD).
Sa EPD nanungkulan na bilang District Director si Chief Superintendent Alfred Corpuz na galing ng Directorate for Intelligence ng PNP habang umupo narin si NPD district Director Chief Superintendent Gregorio Lim.
Pinalitan ni Corpuz si dating EPD District Director Chief Superintendent Reynaldo Biay na ngayon ay itinalaga bilang deputy director ng PNP Directorate.
Si Lim naman ang humalili sa dating posisyon ni Chief Superintendent Amando Empiso na ngayon ay NCRPO acting deputy chief for operations.