Liquidation sa cash advance ng PhilHealth sa health care institutions sa ilalim ng IRM, pinapamadali na ng COA

Pinamamadali na ng Comission on Audit o COA sa PhilHealth ang pagliquidate sa 14.7 billion pesos na inilabas nito sa mga ospital at iba pang health care institutions sa ilalim ng Interim Reimbursement Mechanism o IRM para sa COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng Senado ay sinabi ni COA Director 4 Cleotilde Tuazon na sa nabanggit na halaga ay 6.8 percent o halos 1 bilyong piso pa lamang ang nagagawan ng PhilHealth ng liquidation.

Ayon kay Tuazon, dapat sa loob ng 60 araw o noon pang Abril ay natapos na ang liquidation pero ikinatwiran ng PhilHealth na binigyan sila ng 120 days para magliquidate o kapag nagastos na nila ang 80 percent ng kabuuang pondo.


Bukod dito ay pinapabawi din ng COA sa PhilHealth ang IRM funds na inirelease nito sa mga ospital o rehiyon na mababa ang COVID-19 cases para mailipat sa mga ospital na maraming nagpositibo sa virus.

Sa Senate hearing ay sinabi naman ni COA Chairman Michael Aguinaldo na nagsasagawa na sila ng special audit sa PhilHeath katuwang ang National Bureau of Investigation at insurance commission.

Facebook Comments