Liquidation sa P338 million Cash Advance sa 13 Ospital sa Region 2, Nasa 98 percent na

Cauayan City, Isabela- Umabot na sa 98 percent ang ‘liquidated’ sa cash advance na inilabas ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) para sa 13 ospital sa lambak ng Cagayan kamakailan.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Ginoong Buddy De Jesus, Chief Public Affairs Unit ng PhilHealth Region 2, may natitira pang P6 milyon para sa liquidation mula sa P338 million na naibigay ng ahensya at inaasahang makukumpleto ito bago matapos ang taon.

Kumpiyansa naman si De Jesus na halos patapos na ang ginagawang liquidation sa cash advance ng nasabing bilang ng ospital para muling makapagsimula sa ‘reimbursement procedure’ ang mga ito.


Samantala, inaasahan sana ngayong taon ang pagtaas sa 3.5 percent ng premium increase ng kontribusyon sa PhilHealth subalit dahil sa kinakaharap na pandemya ay mananatili muna ito sa 3 percent habang hindi pa naaamyendahan ang batas sa pagpapaliban dito batay na rin sa naging kahilingan ni Pangulong Duterte.

Giit ni De Jesus, sakaling hindi matuloy ang pag-amyenda sa pagpapaliban sa taas ng kontribusyon ay mapipilitan silang ituloy ang nakatakdang pagtaas ng kontribusyon na nakasaad sa batas.

Aniya, mandato ng ahensya na labanan ang ‘fraudulent scheme’ para maiwasan ang anumang insidente at maging kampante ang mga contributors sa kanilang mga kontribusyon na naihuhulog sakaling kailanganin ng mga ito.

Paglilinaw ni De Jesus, walang kinalaman ang fraudulent claims patungkol sa COVID-19 na una nang naisampa sa korte taliwas ito sa kumakalat na impormasyon na mayroon na raw claims sa mga quarantine facility.

Binigyang diin nito na maayos ang pagproseso sa mga claims ng COVID-19 ng mga pasyente.

Tiniyak naman ni De Jesus na walang dapat ipangamba ang publiko dahil kanilang sinisiguro na maayos na nagagamit ang mga kontribusyon ng bawat miyembro lalo na sa usaping pang-kalusugan.

Facebook Comments