Inanunsyo ng pamahalaang lungsod ng San Juan na muling nagpatupad ito ng liquor ban simula kahapon upang mabawasan ang social gathering na isa sa mga dahilan kung bakit muling tumaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Ito’y matapos lagdaan ni Mayor Francisco Zamora ang City Ordinance no. 24 series of 2021 o liquor ban ordinance.
Dahilan para ipagbawal muna ang pagbebenta, pagdadala, at pag-inom ng alak habang umiiral pa rin ang banta ng COVID-19.
Nakasaad sa nasabing ordinansa na magmumulta ng P3,000, walong oras na community service o pagkakulong ng isang buwan para sa first offense.
P4,000 naman ang multa para sa second offense at labing-anim na oras na community service o tatlong buwan na pagkakakulong.
Para sa third offense o higit pa, mag mumulta naman ng P5,000 o pagkakulong ng anim na buwan o pwede ring kulong at multa.
Para naman sa mga establisyimento na lalabag sa nasabing ordinansa ay kakanselahin ang kanilang business permits at kukumpiskahin ang mga panindang alak.
Matatandaan na unang nagpatupad ng liquor ban ang lungsod noong buwan ng Marso ngayong taon kung saan ito rin ang buwan na ipatutupad ang unang community quarantine sa Metro Manila.