Cauayan City – Dahil sa banta ng bagyong Carina, ipinatupad na ang Liquor Ban Policy sa tatlong Coastal Areas sa lalawigan ng Isabela.
Umiiral na ngayon ang polisiyang alinsunod sa Ordinance No. 2020-13-1 na ipinatupad ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela sa bayan ng Divilacan, Palanan, at Maconacon matapos silang itaas sa Signal Number 1.
Ipinagbabawal ngayon ang pagbebenta, pagbili, at pag-inom ng nakalalasing ang inumin ng mga residente sa nabanggit na lugar.
P2,000 ang kaakibat na multa sa sinumang mahuling lango sa nakalalasing na inumin, at posibleng tumaas hanggang P3,000 o karagdagang tatlong buwang pagkakakulong oras na bigong makapagbayad sa loob ng pitong araw.
Samantala, ang mahuhuling nagbebenta ng alak ay mayroon namang kaakibat na P5000 multa, at posible ring maging P7000, 6 na buwang pagkakakulong, o kanselasyon ng business permit, depende sa desisyon ng korte oras na bigong makapagbayad sa loob ng pitong araw.