Cauayan City – Patuloy na ipinatutupad ang Liquor Ban Policy sa buong lalawigan ng Isabela dahil pa rin sa banta ni bagyong Julian.
Kahapon ay itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Typhoon Category si Julian, kung saan kabilang nga ang lalawigan ng Isabela sa mga lugar na nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1.
Dahil dito, mahigpit pa ring ipinatutupad ang Liquor Ban Policy alinsunod sa Ordinance No. 2020-13-1 kung saan nakasaad rito na ipinagbabawal ang pagbili, pagbebenta, at pag-inom ng nakalalasing na inumin.
Ang sinumang mahuling nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin at papatawan ng P2000 multa, at kapag nabigo itong bayaran ang nabanggit na halaga sa loob ng 7 araw matapos mahuli ay itataas ito sa halagang P3000 o 3 buwang pagkakakulong, at maaari ring mapatawan ng parehong parusa depende sa desisyon ng korte.
Samantala, ang mga indibidwal o tindahan na mahuhuling nag-aalok, nagbebenta, o pumapayag sa pag-inom ng nakalalasing na inumin ay papatawan ng P4000 multa, at kapag nabigo itong bayaran ang nabanggit na halaga sa loob ng 7 araw matapos mahuli ay itataas ito sa halagang P5000 o 6 buwang pagkakakulong, at maaari ring mapatawan ng parehong parusa depende pa rin sa desisyon ng korte.