LIQUOR BAN SA DAGUPAN CITY, INALIS NA

Binawi na ng pamahalaang panlungsod ng Dagupan ang ipinapairal nitong liquor ban.
Ayon sa inilabas na Executive Order No. 18, series of 2021, pinapayagan na ang pagbenta at pagbili ng alak maging ang pagseserve nito sa mga restaurants at bars sa lungsod.

Bagamat inalis na ang liquor ban nilinaw ng pamahalaang panlungsod na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pag-inom sa kalye, pag-inom sa pribadong lugar na nakikita ng publiko maging ang pag-inom sa pampublikong lugar na nakikita ng publiko.

Sa naturang executive order, inatasan ang mga establisyimento sa mahigpit na pagsunod sa health and safety protocols gaya na lamang ng paglalagay ng hand washing area o sanitizing stations, pag-iskedyul ng disinfection at mga poster na nagpapaalala sa pagsusuot ng face mask at physical distancing ay kinakailangan sa naturang lugar maging sa online platforms ng mga establisyimento.


Kinakailangan din na mailagay dito ang physical layout at floor plan bilang guide ng mga customer sa pagsunod sa physical distancing at ang pagpapatupad ng 50% kapasidad lamang.

Samantala, ang mga establisyimento sa lungsod ay kailangang sumunod sa pinapairal na curfew hours na 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga.

Facebook Comments