
Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng driver ng sports car na nag-viral matapos makuhanan habang gumagamit ng cellphone habang nagda-drive sa isang highway.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, 90 araw ang ipinataw na suspensiyon sa lisensiya ng driver ng Porsche.
Naka-alarma na rin sa LTO ang naturang sports car.
Lumalabas na gumagawa ng social media content ang driver ng Porsche sports car noong makuhanan ito ng video.
Sinabi ni LTO-Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante na kabilang sa mga nilabag ng driver ang reckless driving, paglabag sa Anti-Distracted Driving Act (Sec. 4 ng R.A. No. 10913), at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle (Sec. 27 (a) ng R.A. No. 4136).
Naglabas na rin ang LTO ng show cause order sa rehistradong may-ari ng sports car.
Pinagpapaliwanag din ang driver at ang may-ari ng magarang sasakyan at pinatatatawag sa LTO Central Office upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa batas.









