Lisensya at Rehistro ng Sasakyan na Hindi Na-renew sa Panahon ng ECQ, Maaari pang Gamitin!

Cauayan City, Isabela- Habang hindi pa nagbubukas ang mga tanggapan ng Land Transportation Office region 02 para sa anumang mga transaksyon ay maaari pa rin gamitin ang napasong lisensya at rehistro ng sasakyan na hindi na-renew mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine hanggang ngayong General Community Quarantine.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Manny Baricaua, Administrative Officer ng LTO Region 02, kanyang nilinaw na hindi exempted sa panghuhuli ang mga hindi nakapag-renew ng driver’s license, rehistro ng sasakyan at iba pa sa mga panahon o buwan bago pa ipatupad ang ECQ.

Manghuhuli na rin aniya ang mga law enforcement officer sa mga motoristang may paglabag sa batas trapiko maliban lamang sa mga hindi nakapag-renew ng lisensya at rehistro ng sasakyan sa panahon ng ECQ at GCQ.


Ayon pa kay Ginoong Baricaua, may ibinigay na palugit para sa renewal ng driver’s license at iba pa na naabutan ng ECQ.

Paalala naman nito sa mga motorista na dapat mayroon pa rin dala-dalang lisensya, may suot na helmet, facemask at huwag magsakay ng angkas lalo na sa mga naka-motorsiklo kung babaybay sa lansangan.

Facebook Comments