Cauayan City, Isabela- Hinihintay na lamang ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang kanilang license to operate para tuluyan nang mabuksan at magamit ang bagong Molecular Testing Laboratory sa mga swab specimen sample para sa pagsusuri sa COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, medical chief ng CVMC, natapos nang pinasinayaan ang naturang laboratoryo kahapon at lisensya na lamang ang kulang na inaasahang ibibigay ngayong Agosto para pormal na itong mag-operate.
Sakaling mabigyan ng lisensya ang bagong testing laboratory ay bente kwatro oras itong magbubukas para makapagsuri ng 300 na specimen samples.
Tatlong Reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) Machine ang nakatakdang gagamitin sa mga makukuhang specimen samples para sa pagsusuri sa naturang sakit.
Sinabi pa ni Dr. Baggao na nakahanda na rin ang mga staff na mangangasiwa sa mga pasilidad at gamit ng naturang laboratoryo na kauna-unahan sa Lambak ng Cagayan.
Samantala, inihayag din ni Dr. Baggao na hindi pa aniya sila sumusuko sa kanilang sinumpaang tungkulin bagkus ay patuloy pa rin ang kanilang pagbibigay serbisyo para sa mga pasyenteng tinaman ng COVID-19.