
Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang lisensya ng driver ng isang pick-up truck na nanakit sa mag-amang magkakariton matapos umanong makasagi sa kaniyang sasakyan.
Agad na inatasan ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang Intelligence and Investigation Division na mag-isyu ng Show Cause Order (SCO) laban sa driver, kasabay ng pagsususpinde sa lisensya nito.
Nakasaad sa SCO na kinakailangang magpaliwanag ang driver kung bakit hindi dapat suspendihin o tuluyang bawiin ang kaniyang lisensya dahil sa paglabag bilang isang improper person to operate a motor vehicle.
Bukod dito, inatasan din ang driver at ang may-ari ng pick-up truck na magsumite ng notarized na komento o paliwanag na naglalaman ng kanilang panig.
Nagbabala si Lacanilao na tuluyang mare-revoke ang lisensya ng driver na nasa viral video kung hindi ito haharap o dadalo sa itinakdang pagdinig ng LTO.
Nag-ugat ang pagsususpinde sa lisensya ng driver matapos nitong hampasin ng kahoy sa ulo ang lalaki sa harap mismo ng kaniyang anak, na humahagulgol sa matinding takot.










