
Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng truck driver na sangkot sa pag-aararo ng mga sasakyan sa Batasan-San Mateo Road sa Quezon City kagabi, na ikinamatay ng tatlong tao at ikinasugat ng hindi bababa sa pitong iba pa.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, preventively suspended sa loob ng 90-araw ang driver’s license ng suspek.
Ang Isuzu tractor head na may plakang JAG-8962 ay isinailalim sa alerto, habang iniimbestigahan ang kaso.
Naabisuhan na ang may-ari ng truck at driver, sa pamamagitan ng show cause order na inisyu sa kanila.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Mendoza sa mga biktima at kanilang pamilya.
Sinasabing nawalan ng kontrol ang truck sa Batasan-San Mateo Road, bandang 11:30 kagabi.
Naararo nito ang tatlong motorsiklo, isang kotse, at isang AUV.









