Aabot na sa 89 na laboratoryo sa bansa ang binigyan ng lisensya para makapagsagawa ng independent testing para sa COVID-19.
Ito ay matapos makatanggap ng accreditation ang apat pang laboratoryo.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang bansa ay mayroong 67 accredited polymerase chain reaction (PCR) facilities at 22 GeneXpert laboratories.
Ang bagong PCR laboratories ay ang Philippine Children’s Medical Center, ang Mary Mediatrix Medical Center, ang Philippine Red Cross’ Cebu Chapter, at ang University of Cebu Medical Center.
Mayroon pang 180 laboratoryo sa bansa ang sumasailalim sa five-step accreditation process.
Sa ngayon, nasa 1,058,764 individuals mula nitong July 18 ang na-test para sa COVID-19, kung saan 89,387 ang nagpositibo at nasa 8.4% ang positivity rate.
Aabot naman sa 22,579 samples ang naiproseso sa 85 laboratoryo kada araw sa nakalipas na linggo at nasa 11.7% ang positivity rate.
Ang benchmark ng World Health Organization (WHO) para sa positivity rate ay dapat mababa sa limang porsyento.