Nakatakdang ilabas sa Araw ng Kalayaan, June 12 ng opposition coalition na 1Sambayan ang pinal na listahan ng mga nominado para sa pagkapangulo at iba pang national candidates
Sa statement, sinabi ni 1Sambayan lead convenor at dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na ipiprisenta nila ang listahan ng mga nominado sa kanilang official Facebook page mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon.
Umaasa sila na magkakaroon ng “united choice” sa magiging standard-bearer ng oposisyon.
Dagdag pa ni Carpio, ang lahat ng mga pangalan sa final list ay sumang-ayon na sumailalim sa selection process ng kowalisyon.
Tatalakayin sa Sabado ang kabuoang selection process sa kung paano napili ang mga nominado sa pangkapangulo at bise presidente.
Ang prosesong ito ay maihahalintulad sa Estados Unidos kung saan ang mga miyembro ng Democratic at Republican Parties ay magbobotohan sa mga magiging nominadong kandidato.
Sinabi ni Carpio na unang pagdedesisyunan ay ang presidential position dahil ito ang kailang pagpasyahan nang maigi.
Una nang sinabi ng 1Sambayan na kabilang sa mga pinagpipilian nilang nominado sa pagkapangulo ay sina Vice President Leni Robredo, Manila Mayor Isko Moreno, Senator Grace Poe at dating Senator Antonio Trillanes IV.