Inanunsyo ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na ilalabas bukas ng gobyerno sa mga pahayagan ang mga pangalan ng grupo na kabilang sa kasama sa designation ng mga terorista sa bansa.
Ang anunsyo ay ginawa ni Esperon sa pagpapatuloy ng oral arguments ng Korte Suprema sa mga petisyon kontra sa Anti-Terrorism Act of 2020 o ATA.
Sa pagtatanong ni Justice Rosmari Carandang Esperon, inilahad din ng opisyal ang pinakamalalang karanasan ng bansa sa terorismo nang maraming mamatay sa paghahasik ng terorismo ni Abdurajak Janjalani sa Zamboanga del Sur noong 1994.
Natanong naman kanina ni Supreme Court Associate Justice Estela Perlas-Bernabe si Assistant Solicitor General Marissa dela Cruz Galandines sa usapin ng epekto ng designation at order of proscription sa grupo.
Sinabi ni Galandines na sa designation pa lamang na terorista ang isang indibidwal ay maaari nang mai-freeze ang asset kahit wala pang criminal proceedings, pero hindi magreresulta pa sa pag-aresto.
Ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) naman aniya ang magpi-freeze ng asset habang ang Anti-Terror Council, o ATC naman ang maghahain ng kaso sa korte.
Sa isang domestic designation aniya, ang probable cause pa rin ang magiging standard, matapos na makakalap ng sapat na impormasyon ang isang ahensya.
Kapag naman nagkaroon ng order of proscription sa isang grupo, maaaring magkaroon na ng pag-aresto, at pag-freeze rin ng kanyang asset.
Sa isang kaso ng surveillance sa isang pinaghihinalaan, sinabi ni Galandines na kinakailangang maghain pa rin ng surveillance order sa Court of Appeals at bigyan ng kopya nito ang NTC.
Nabanggit naman ni Justice Bernabe sa oral arguments ang maaaring gawin ng isang napaghinalaan at nakulong higit sa takdang panahon sa ilalim ng ATA, tulad ng paghahain ng Writ of Amparo, Habeas Corpus at piyansa.
Sumentro naman ang pagtatanong ni Chief Justice Alexander Gesmundo kay ASG Raymund Rigodon sa section 10 ng ATA, at ang in flagrante delicto, o ang “caught in the act” sa isang maaresto dahil sa pagiging isang miymebro ng isang organisasyon.
Sinabi ni Rigodon, maaari daw magkaroon ng aresto sa katwiran na nagkaroon ng surveillance at intelligence hinggil dito.