Listahan ng mga botante para sa BSK Elections, ilalabas na sa Agosto – COMELEC

Inanunsiyo ng Commission on Elections (COMELEC) na mailalabas nila ang listahan ng mga botante para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ng hindi lalagpas sa Agosto 1 ngayong taon.

Sa limang pahinang resolusyon na may petsang Marso 22, sinabi ng COMELEC na naatasan ang Local Election Registration Boards (ERBs) para i-beripika ang mga pangalan ng mga botante at magsagawa ng certification at sealing ng Election Day Computerized Voters List (EDCVLs) at Posted Computerized Voters List (PCVLs) sa mismo o bago ang Hulyo 27 ng kasalukuyang taon.

Inatasan din ang election registration board na huwag isama rito ang mga pangalan ng rehistradong botante na lumipat na, mayroong doble o multiple registration records dahil sa Automated Fingerprint Identification System (AFIS), mga botanteng namatay na at ang mga mayroong court exclusion order.


Ayon pa sa COMELEC, ang mga indibidwal na nakakuha ng court inclusion order at ang mga natanggal sa listahan sa pamamagitan ng Automated Fingerprint Identification System dahil sa maling encoding ng type of application sa voter registration system ay dapat na maisama sa listahan ng mga botante.

Sa ilalim kasi ng Voter’s Registration Act, minamandato ang election registration board na maghanda at magpaskil ng certified list ng mga botante 90 araw bago ang pagdaraos ng regular election.

Nakatakda namang isagawa ang BSKE sa Oktubre 30.

Facebook Comments