Listahan ng mga convicted drug lords na nakalabas ng bansa, hiniling ng DOJ sa PDEA

135

Hinihiling ng Department of Justice o DOJ sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na ibigay sa kanila ang listahan ng convicted drug lords na sinasabing nakalabas na ng bansa makaraang mapalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance o GCTA law.

Kasunod ito ng naging pahayag ni PDEA Director General Aaron Aquino na nasa labas na ng Pilipinas ang nasa tatlong convicted drug lords at malabo nang magbalik sa bansa para lamang boluntaryong sumuko.


Ayon pa kay Aquino, kung babalik man ang mga drug lord sa Pilipinas, ang mga ito ay tiyak na magpapatuloy sa kanilang illegal drug operations at gagamit ng pekeng pangalan upang makaiwas sa paghuli.

Sinabi ni Justice Usec. Mark Perete, mula sa 1,914 Persons Deprieved of Liberty o PDLs na nahatulan sa heinous crimes ngunit maagang nakalaya dahil sa GCTA, halos lahat ng mga ito ay beripikado at wala pa ring nakakaalis ng bansa.

Para naman makatiyak, sinabi ni Perete na makakatulong sa DOJ at sa Immigration Bureau kung ipapadala at kikilalanin ng PDEA ang mga naturang drug lords na nakalabas na ng bansa upang maisailalim sa beripikasyon.

Sa ganitong paraan, ay mahahabol din ng pamahalaan ang convicted drug lords at maibalik sila muli sa New Bilibid Prison.

Facebook Comments

From Advertisers