Manila, Philippines – Inilabas na ng militar ang listahan ng mga lugar kung saan posibleng umatake ang communist new people’s army terrorists bilang paggunita sa 50th anniversary ng Communist Party of the Philippines (CPP) ngayong araw.
Sabi ni Armed Forces of the Philippines-Central Command Chief Major General Noel Clement, mahigpit nilang mino-monitor ang mga lalawigan ng Samar at Negros.
Nakabantay naman ang 4th Infantry Division na pinamumunuan ni Major General Ronald Villanueva sa North Central Mindanao at Northeast Mindanao naman, partikular ang mga probinsya ng Bukidnon, Surigao del Sur, Surigao del Norte, Agusan del Sur at Agusan del Norte.
Sa Laguna, Rizal, Quezon at Mindoro ay si Major General Rhonderick Parayno ng 2nd Infantry Division naman ang nakabantay.
Para naman sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Central Luzon naka-monitor ang 7th Infantry Division ni Lieutenant Colonel Eugenio Osias sa Abra at Nueva Ecija.
Matatandaang ipinag-utos ni CPP founding Chairman Jose Maria Sison na magsagawa ng tactical offensives sa pamahalaan matapos tumanggi ang gobyerno na sabayan ang kanilang idineklarang unilateral ceasefire ngayong holiday season.