Nakatakdang magpulong ngayong linggo ang Inter-Agency Technical Working Group para pag-usapan ang ilang detalye hinggil sa pagpapatupad ng ikalawang bahagi ng Social Amelioration Program (SAP).
Nabatid na sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na tanging 12 milyon mula sa 18 milyong low-income families na nakatanggap ng unang tranche ng cash subsidy ang makakasama sa mga magiging benepisyaryo ng second wave ng SAP, kasama ang dagdag na limang milyong left-out beneficiaries.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, aalamin ang bilang ng mga pamilyang mabebenepisyuhan ng second wave ng emergency subsidies.
Sinabi ni Dumlao na ang mga households na nasa loob ng enhanced community quarantine (ECQ) ay tiyak na makakatanggap ng second tranche basta sila ay kwalipikado at hindi nakinabang sa alinmang assistance packages ng iba pang government agencies.
Ang limang milyong left-out o waitlisted families ay ipaprayoridad sa second tranche,
Ang mga household na nasa ilalim ng GCQ ay maaaring ikonsidera para sa second wave ng cash subsidy.
Ang DSWD ay nakikipagtulungan sa National Privacy Commission (NPC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na pabilisin ang pagbuo ng online portal na naglalaman ng listahan ng mga kwalipikadong household beneficiaries ng SAP.
Kapag natanggap na ng DSWD ang encoded list ng 18 million SAP beneficiaries ay magsasagawa na ito ng deduplication kung saan magkakaroon ng name match ng mga benepisyaryo sa database ng iba pang government agencies.