Listahan ng mga nagkanlong kay Pastor Apollo Quiboloy para makapagtago, isinasapinal na ng PNP

Ibinunyag ngayon ni Police Regional Office 11 Director, PBGen. Nicolas Torre III na aabot sa mahigit 10 indibidwal ang mga tumulong kay Pastor Apollo Quiboloy upang makapagtago sa mga alagad ng batas mula sa pag-aresto rito.

Ang pahayag ni Torre III ay kasunod ng patong-patong na kasong kanilang isasampa laban sa mga ito.

Ayon kay Torre, kabilang sa mga kanilang ihahaing kaso ay ang inciting to sedition at conspiracy to commit inciting to sedition laban sa mga anito’y “kilalang” indibiduwal.


Kasalukuyang kasama si Torre sa pagdinig ng Kamara para sa Budget ng Philippine National Police (PNP) gayundin naman sa pagtatanong ng ilang mambabatas kaugnay ng kanilang naging operasyon sa KOJC Compound.

Una nang ipinag-utos ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG gayundin sa Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pagbuo ng isang Special Composite Team para magkasa ng matibay na kaso laban sa mga nagkanlong kay Quiboloy.

Facebook Comments