Inatasan na ni PNP Chief Police Gen Oscar Albayalde ang Regional Director ng National Capital Region Police Office o NCRPO na si Major Gen. Guillermo Eleazar na alamin ang listahan ng mga national prisoners na nakalaya sa maanomalyang pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance o GCTA.
Ayon kay Albayalde, hindi lahat ng 1,700 na national prisoner na pinapasuko ay may kasong heinous crime kaya mabuting makakuha sila ng listahan.
Bukod sa pag-alam sa listahan ng mga national prisoners, inutos nya rin sa NCRPO na alamin ang mga proseso sa pag turn-over sa mga susuko o maaarestong national prisoners.
Sa ngayon aniya hindi pa malinaw kung idadaan pa sa Department of Justice ang mga susuko o idederetso na sa Bureau of Corrections.
Panawagan naman ni PNP Chief sa mga national prisoners na sumuko na lamang sa 15 araw na palugit na binigay ng pangulo kung ayaw maging subject ng warrantless arrest ng oplan manhunt bravo na pamumunuan ng PNP CIDG.