Listahan ng mga sangkot sa umano’y korapsiyon sa importasyon ng karneng baboy, hawak na ng PACC; dating Director ng BIA, pinakakasuhan

May hawak nang pangalan ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kaugnay sa ginagawa nitong imbestigasyon sa umano’y korapsiyon sa importasyon o pag-aangkat ng karne ng baboy.

Kasunod ito ng paglalantad ni Senator Panfilo Lacson hinggil sa nangyayaring anomalya at katiwalian sa importasyon ng karne ng baboy ng Department of Agriculture (DA).

Ayon kay PACC Chairman Greco Belgica, may hawak na silang pangalan ng ilang malalaking tao at negosyante na posibleng sangkot sa pagmanipula ng presyo ng karne ng baboy.


Nagpapatuloy naman ang kanilang imbestigasyon sa usaping ito habang mayroon na ring isang grupong nakatutok sa isyu.

Kasabay nito, inirekomenda naman ng legal service ng Agriculture Department sa PACC ang pagsasampa ng kaso laban sa dating Director ng Bureau of Animal Industry (BAI) na si Dr. Ronnie Domingo.

Ito ay matapos payagang makapasok sa bansa ang mga karne ng baboy mula sa mga bansang mayroong African Swine Fever (ASF) tulad ng Belgium, Hungary, Germany, at China.

Paliwanag ni Atty. Armando Crobalde Jr. ng DA legal service, kasong korapsyon at administratibo ang dapat isampa laban kay Domingo dahil sa isyu.

Umaasa naman itong maaaksyunan ang hinaing upang mapanagot ang may kinalaman sa nangyari.

Sa ngayon, tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) na maayos pa rin ang kalagayan ng industriya ng local hog farmers sa bansa sa kabila ng isyu sa importasyon ng karne ng baboy.

Facebook Comments