
Alas-siyete ng umaga bukas ay aarangkada na ang distribusyon ng tulong pinansiyal ng pamahalaan para sa mga Transport Network Vehicle Services o TNVS drivers.
Nasa P5,000 ang matatanggap ng mga benepisyaryo mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, inilabas na nila ang listahan ng mga kwalipikadong makatanggap ng ayuda.
Mula raw ito sa datos na ibinigay sa kanila ng mga Transport Network Company (TNC) providers.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng LTFRB ang mga benepisyaryo na dalhin ang original at photocopy ng kanilang professional driver’s license.
Paglilinaw pa ng LTFRB, hindi kasama sa listahang ito ang mga motorcycle taxi at delivery rider at may sarili silang araw ng payout.
Mahigpit namang pinaalalahanan ang publiko na sundin ang kanilang schedule para maiwasan ang siksikan at mas mapabilis ang proseso.










