
Dalawa hanggang tatlong taong atrasado ang kaalaman ng karamihan ng mga Pilipinong mag-aaral.
Batay sa pag-aaral ng UNICEF, bago ang pandemya, pang-grade 1 lang ang literacy performance ng mga mag-aaral sa grade 3.
Pero ayon kay Commission on Education 2 Executive Director Dr. Karol Mark Yee, lumala pa ito pagkatapos ng pandemya kung saan pang-kinder na lang ang kanilang basic competencies.
Batay naman sa comprehensive rapid literacy assessment na isinagawa ng EDCOM-2, 33.42% o mahigit 1.7 milyong grade 1 to 3 students ang low emerging reader sa pag-uumpisa ng school year 2025-2026.
Ibig sabihin, tatlo lang sa bawat 10 simpleng salita ang kaya nilang gamitin at mga simpleng detalye lang sa isang maikling kwento ang kaya nilang maalala—mga kaalamang dapat ay natutunan na ng mga bata noong kinder hanggang grade 1 pa lamang.
Lumabas din sa pag-aaral na maraming grade 3 students ang hirap pa rin sa Math partikular sa basic operations at geometry.
Halimbawa na lamang sa Metro Manila kung saan 24% lang ang marunong ng division habang 44% lang ang marunong ng subtraction.









