Inilunsad kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang unang face-to-face little olympics mula nang magsimula ang pandemya.
Ang aktibidad na isinagawa sa Lapu-Lapu Grandstand sa Camp Aguinaldo ay nilahukan ng mga dependents ng mga sibilyan at unipormadong miyembro ng AFP, Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) na 17 taong gulang pababa.
Si Deputy Chief of Staff AFP Vice Admiral Rommel Anthony Reyes ang nanguna sa opening ceremony kung saan ipinarada ng mga manlalaro ang kanikanilang mga bandera.
Ang “oath of sportsmanship” ng mga manlalaro ay pinangunahan naman ni Philippine Army Staff Sergeant Estie Gay Liwanen na nanalo ng Bronze Medal sa 31st Southeast Asian Games Kurash Event.
Tatagal hanggang June 2 ang isang linggong kompetisyon na katatampukan ng paligsahan sa badminton, basketball, volleyball, modern dance, at obstacle course relay.