*BUNTIS AT BREASTFEEDDING MOTHERS SA PANGASINAN, BABAKUNAHAN NA RIN*
Nakatakdang bakunahan ang mga buntis at breastfeeding mothers bukas sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa abiso na inilabas ng Provincial Health Office (PHO), nakatakdang iturok ang 1, 000 doses ng moderna vaccine sa mga buntis na nasa ika-apat hanggang ika-siyam na buwan at ang mga breastfeeding mothers.
Magsisimula ang registration 7:00 ng umaga sa Pangasinan Training and Development Center II, Capitol Compound Lingayen Pangasinan.
Inaabisuhan ang mga magpapabakuna bukas na magdala ng government issued ID o birth certificate, ballpen at isuot ang face mask at face shield.
Ang mga buntis ay kabilang sa Expanded A3 ng Vaccination Program na naglalayong mabigyan ng dagdag proteksyon ang mga buntis mula sa COVID-19.
Matatandaan na una nang sinabi ng DOH, na lahat ng bakunang mayroong emergency use authorization sa Pilipinas ay pwedeng iturok sa buntis maliban sa Sputnik V ng Gamaleya.
Samantala, kabilang din sa babakunahan bukas ay ang mga inidibidwal edad 18 pataas.
###
*COMELEC DAGUPAN LILIMITAHAN SA DALAWANG DAANG KATAO KADA ARAW ANG PUWEDENG MAGPAREHISTRO* I
lang araw bago ang pagtatapos ng extended voter’s registration, inanunsyo ng Commission on Elections Dagupan na lilimitahan nito sa dalawang daang katao ang tatanggapin sa satellite voter’s registration na isinasagawa sa isang mall sa lungsod.
Sa panayam ng IFM Dagupan kay Dagupan City COMELEC Supervisor Attorney Frank Sarmiento, layunin nito na makontrol ang dagsa ng tao lalo pa’t mayroong sinusunod na health protocols.
Sa 200 katao, hindi kabilang dito ang mga senior citizens, person with disabilities, buntis at medical frontliners na nasa express lane.
Bubuksan ang pagpaparehistro 8: 30 ng umaga hanggang 4: 00 ng hapon.
Dahil dito, Nakiusap ang kagawaran na agahan ang pagpila sa registration venue upang mabigyan ng numero.
Isasagawa ang pagbibigay ng numero sa unang oras bago ang pagpasok sa venue.
Tanging ang nakapila ang mabibigyan ng numero at ipinagbabawal ang reservation ng slots.
Kung naabutan ng 200, pinapauwi na ito ng COMELEC upang hindi pumila at hindi masayang ang oras sa pagpila. Sinabi din ni Attorney Sarmiento na binigyan na ang mga ito ng halos isang taon na palugit upang makapagparehistro ngunit ngayon lamang nakikipagsiksikan.
Gusto man na i-accommodate ng kagawaran ang lahat ng mga gustong magparehistro ngunit sa ngayon limitado na lang aniya ang oras.
Inaasahan na papalo sa 2.1 milyon ang bilang ng mga botante sa Pangasinan sa National and Local Elections 2022.
###
*HIGIT 12 MILYONG HALAGA NG ILLEGAL DRUGS SINIRA SA LA UNION*
AABOT sa higit 12 milyong halaga ng ipinagbabawal na droga ang sinira sa pamamagitan ng Thermal Destruction ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 1 sa Bacnotan La Union.
Ang mga illegal na droga ay nasamsam mula sa lalawigan ng Pangasinan , Ilocos Sur at Ilocos Norte.
Ayon kay PDEA Region 1, Investigation Agent Richard U Tinong, hepe ng Plans and Operations Division, isinasagawa ang thermal destruction upang maipakita sa publiko na ang mga nakumpiskang illegal na droga ay hindi inirerecycle o ginagamit sa ibang paraan.
Ang hakbang na ito ay batay sa Section 21 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act na kailangang sunugin o sirain ang mga ebidensya na ipinagbabawal na gamot.
###
*FULLY VACCINATED INDIVIDUALS, TANGING PAPAYAGANG MAKAPASOK SA SEMENTERYO SA URDANETA CITY*
IPAPATUPAD ng lungsod ng Urdaneta ang istriktong implimentasyon ng COVID-19 measures sa paggunita ng Undas ngayong taon.
Nakatakdang Isara ang mga sementeryo sa lungsod mula October 30 hanggang November 2 bilang pag-iingat sa pagkalat ng nakakahawang sakit.
Sa inilabas na Executive Order 19-A, tanging fully vaccinated individuals ang papayagang makapasok sa pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod mula October 28-29.
Kailangan ipakita ang quarantine pass at vaccination card sa pagdalaw sa sementeryo ng dalawang katao na tanging papayagang makapasok.
Nagtalaga naman ang lokal na pamahalaan ng schedule sa kada barangay ng araw ng pagbisita ng mga ito.
Samantala, lilimitahan sa isang oras na pamamalagi ng mga dadalaw dito sa kanilang mga mahal na yumao.
###
*ELEMENTARY SCHOOL SA ALAMINOS CITY, BUKOD TANGING PAARALAN SA PANGASINAN NA KABILANG SA PILOT RUN NG LIMITED FACE-TO-FACE CLASSES*
Kabilang ang isang paaralan sa lalawigan ng Pangasinan na aprubado ng Department of Education para sa pagsasagawa ng pilot run ng limited face-to-face classes sa bansa kahit pa nakakaranas ng pandemya.
Ang Longos Elementary School sa Barangay Pangapisan sa lungsod ng Alaminos ang kabilang sa 90 na paaralan sa buong bansa na aprubado para pilot run ng limited face-to-face classes ng DepEd.
Ang naturang elementary school ay ang tanging paaralan sa buong lalawigan ng Pangasinan na aprubado sa pilot run.
Bago pa nito ay nagkaroon ng consultative meeting sa pagitan ng City Schools Division Office at ng pamahalaang lungsod ng Alaminos kung saan tinalakay ang strategic plan, mga ibat’ ibang kondisyon at bagong panuntunang pangkalusugan at mga gagawing paghahanda ng paaralan.
Samantala, sampu namang paaralan sa Ilocos Norte ang kabilang sa pilot run ng limited face-to-face classes sa buong bansa.
###
*TUPAD BENEFICIARIES AT LGU SUAL, NAGSAGAWA NG COASTAL CLEAN UP DRIVE*
NAGSAGAWA ang lokal na pamahalaan ng Sual ng isang coastal clean-up drive sa iba’t ibang coastal areas ng Barangay Poblacion ng bayan katuwang ang mga TUPAD Beneficiaries.
Aabot sa 258 disadvantaged at displaced workers sa bayan ang natulungang mabigyan ng hanapbuhay ng TUPAD o ang Tulong Panghanapbuhay sa Displaced/Disadvantage Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa nabanggit na bayan.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na malaki ang magiging tulong ng naturang programa sa mga napiling benepisyaryo sa gitna naman ng pandemya.
Bukod umano sa pagbibigay ng tulong sa mga benepisyaryo ng nasabing programa, ginawa rin ang aktibidad na ito upang mabawasan ang mga basura sa coastal areas ng bayan at panumbalikin ang kalinisan at kaayusan sa tabing-dagat.
###
*R1MC, NAGSASAGAWA NA NG RE-EVALUATION UKOL SA POSIBLENG PANUNUMBALIK NG NORMAL OPERATIONS NG OSPITAL*
NAGPAPATULOY ang ginagawang pagpupulong ng pamunuan ng Region 1 Medical Center o R1MC sa lungsod ng Dagupan ukol sa evaluation sa plano nitong pagbabalik normal ng hospital operation nito sa kabila ng pandemya.
Sinabi ni R1MC Director Dr. Roland Mejia, sa ngayon ay sarado pa ang out patient department ng ospital at limitado rin hanggang sa limampu kada ward ang tinatanggap nila na non-COVID related cases.
Aniya, mataas pa ang bilang ng mga indibidwal na COVID 19 patients na dinadala sa pagamutan at karamihan sa mga COVID dedicated beds ay okupado pa ng pasyente.
Marami din umano ang mga pasyente sa mga itinayo nilang tents. Sa gagawing re-evaluation, titignan ang iba’t ibang aspeto tulad ng COVID19 cases sa lalawigan.
Samantala, na kung dumarating ang mga pasyente ay dumadaan ang mga ito sa Rapid at Antigen Test para matukoy kung may COVID19 sila o wala at upang malaman kung saan sila mailalagay na building.
Mababatid na isinara ang R1MC partikular ng out patient department dahil biglang taas ng COVID19 patient noong mga nakaraang buwan partikular sa buwan ng Agosto.
###
*ISANG BAYAN SA PANGASINAN NAPILI PARA SA PEDIA VACCINATION ROLL-OUT*
Isa ang lokal na pamahalaan ng San Nicolas sa napili upang pagsagawaan ng Pediatric Vaccination roll-out na kung saan babakunahan ang mga batang nasa edad labing dalawa hanggang labing pitong gulang kabilang na rin ang mga children with comorbidities.
Ang pagpili sa isang LGU upang isagawa ito ay base sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng IATF Resolution No. 141 na nagsasabing pinapayagan ang pagbabakuna sa mga batang nasa edad labing dalawa hanggang labing pito base sa desisyon ng National Task Force Against COVID-19 at ng Vaccine Cluster.
Dahil dito, pinasalamatan ng lokal na pamahalaan ng bayan ang Vaccination team dahil sa kanilang naging kontribusyon sa vaccination roll-out ng bayan.
Samantala, dahil dito mas pagbubutihan pa ng LGU at RHU ng bayan ang pagsasagawa ng vaccination roll-out maging ang pagpapatupad ng minimum public health standard.
###
*PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG PANGASINAN PATULOY SA PAMAMAHAGI NG FOOD PACKS SA BAWAT DISTRITO*
Nagpapatuloy ang pamamahagi ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan nga mga food packs sa bawat distrito ng lalawigan na naapektuhan ng bagyong Maring.
Ilan sa mga bayang natapos ng paabutan nitong nakaraang linggo ay ang bayan ng Bugallon,Lingayen at San Nicolas.
Nanguna sa pamamahagi ang mga lokal na pamahalaan ng bayan katuwang ang mga barangay officials,upang maiwasan ang kumpulan ng mga tao sa pagbibigay ng nasabing tulong.
Samantala, hindi pa natatapos ang distribusyon at tuloy tuloy parin ang pagpapaabot na isinasagawa ng Lokal na pamahalaan ng Pangasinan upang maipaabot ang tulong sa mga bayang naapektuhan ni Bagyong Maring
###
*PCSO NAGBIGAY NG PINANSYAL NA TULONG SA LGU ASINGAN; PONDO INILAAN SA MGA GAMOT AT KAGAMITANG PANGKALUSUGAN*
Nagbigay ng aabot sa kalahating milyong piso ang Philippine Charity Sweepstake Office o PCSO bilang tulong sa bayan ng asingan.
Nag ikot sa mga barangay ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan upang ipamahagi ang tulong na natanggap ng lokal na pamahalaan ng Asingan na ibinili ng mga pangkalusugang kagamitan at mga gamot.
Ayon sa PCSO ang mga lalawigan, lunsod at bayan na kinatatayuan ng mga lotto outlets ng PCSO ay kuwalipikadong makibahagi sa kinikita nito na tinatawag na LGU share.
Samantala, nabatid naman ang pasasalamat mula sa mga barangay captains dahil sakanilang natanggap na tulong.
###
*PROGRAMANG MUSHROOM PROCESSING NG DTI ISINAGAWA SA NATIVIDAD*
Isinagawa ang mushroom processing sa bayan ng natividad partikular sa barangay canarem.
Ang programang ito ay nasa ilalim ng ahensyang DTI pagdating sa livelihood development ng mga pangasinense.
Sa programang ito ay nabigyan ang mga participants ng Slippers, Weighing Scale, Kitchen wares, Apron, Hairnet at Snacks mula DTI, samantalang ang LGU NATIVIDAD naman ang nagprovide ng kanilang gagamiting ingredients sa pag-process ng mushroom.
Samantala, malaking tulong ito sa mga trainees dahil maari nila itong pagkakitaan lalo ngayong panahon ng pandemya.
###
*MANGINGISDA SA PANGASINAN AT LA UNION, NABIGYAN NG FRY COLLECTOR AT IBA PANG KAGAMITAN SA PAGKUHA NG SEMILYA MULA SA BFAR REGION 1*
Bilang ang Rehiyon Uno ang pangunahing pinagmumulan ng bangus sa bansa, masayang tinanggap ng mga mangingisda mula sa mga probinsiya ng Pangasinan at La Union ang ipinamahaging mga “fry collector” at iba pang mga kasangkapang ginagamit sa pangongolekta ng semilya sa Provincial Fishery Office sa Sual.
Ang programang ito ay bahagi ng Bangus Fry Sufficiency Program na may layuning palaguin ang lokal na produksyon ng semilya ng isda sa rehiyon, at pataasin ang “survival rate” ng mga ito.
Sinabi ni BFAR Region III Regional Director at National Bangus Focal Person Wilfredo M. Cruz, ipinayo nito sa mga benepisyaryo ng naturang programa na ingatan ang mga natanggap na kagamitan, at hiniling na sana ay maging handa sa pagkakaroon ng kapalit bago pa masira ang mga ito, para sa patuloy na paglago ng kanilang kabuhayan.
Samantala, aabot sa P1.4-M ang halaga ng mga kagamitan na ibabahagi sa mga mangingisda sa buong rehiyon, kung saan tig-P300,000 na halaga ang nakalaan para sa bawat probinsiya.
###
*POLICE REPORT*
*URN NINAKAW SA MISMONG SEMENTERYO SA SAN JACINTO PANGASINAN *
TINANGAY umano ang isang urn sa isang sementeryo sa San Jacinto Pangasinan.
Ayon sa otoridad, nagpunta sa himpilan ng pulisya si Alberto De Guzman, 62 anyos ng barangay pagasa at inireklamo ang pagkawala ng urn na naglalaman ng abo ng kaniyang misis sa public cemetery.
Sa isinagawang follow up investigation, huling inilibing ito ng kaniyang pamilya noong ika-7 ng Oktubre ngunit noong ika-24 ng Oktubre nadiskubre na wala na ang urn matapos makita na wasak ang nitso kung saan ito nakalagay.
Sa isang facebook post, umapela si De Guzman na kahit abo na lamang ang ibalik sakanila sa mga tumangay ng urn.
Nagsasagawa ang mga pulis ng malalimang imbestigasyon upang matukoy ang nagnakaw ng urno.
###
*GOOD NEWS*
*LIBRENG TEXTBOOKS PARA SA MGA PRE SCHOOLER, IPINAMAHAGI SA BAYAN NG SISON*
Bagamat moderno na ang edukasyon ngayon at isang pindot na lamang sa internet ay makakakuha na ng impormasyon, ibang iba pa rin kapag mayroong libro ang mga kabataan.
Mahahasa na sila sa pagbabasa ng aralin, malalayo pa sila sa hindi magandang dulot ng internet.
Kaya naman sa layunin ng Lokal na Pamahalaan ng Sison, Pangasinan na walang batang mapag-iiwanan sa larangan ng edukasyon sa kanilang bayan, namahagi sila ng mga libreng textbooks para sa mga Pre-Schooler o ng Early Childhood Development.
Tinanggap ito ng mga magulang ng mga estudyante sa naganap na distribusyon noong Lunes, October 25, 2021 sa Calunetan Elementary School.
PAGBISITA NG ISANG PRESIDENTIAL CANDIDATE SA LUNGSOD NG DAGUPAN DINUMOG; SOCIAL DISTANCING HINDI NA NASUNOD
Dinumog ang pagdating ng isang Presidential Candidate sa Lungsod ng Dagupan kahapon Martes ika-26 ng Oktubre kung saan daan-daang residenteng Dagupeno ang nagtungo para masilayan lang ang pagbisita nito.
Sa unang bahagi ng pagbisita ni Sen. Manny Pacquaio, sa lungsod, nagtungo muna ito sa City Mayor’s Office kung saan nagkaroon ng maikling pagpupulong sa mga opisyal ng lungsod at sa iba’t ibang sector.
Binigyang pagkakataon din ang pwersa ng media para sa isang press conference at upang makapagtanong ang mga ito ukol sa kanyang pagtakbo.
Samantala, daang-daang Dagupeno ang nagtungo din sa lugar na nagbakasaling mabigyan ang mga ito ng tulong ngunit sa dami ng taong dumagsa, hindi na nasunod ang ipinaparil ng mga kinauukulan na social distancing gayong panahon pa rin ng pandemya.
tanging mga nabigyan lamang ng ipinamigay na stub ang napamahagian ng relief packs at financial assistance.