Pumalo na sa 191 na kumpirmadong kaso ng hand foot and mouth disease (HFMD) ang naitala sa Ilocos Region, ayon sa Ilocos Center for Health Development 1.
Sinabi ni Dr. Rheuel Bobis, tagapagsalita ng kagawaran, mula sa 677 na suspected cases ang 191 ay ang specimen na bumalik sa kanilang kagawaran at lumalabas na positibo sa sakit.
Pinakamaraming naitala na suspected cases ay nasa probinsya ng Pangasinan na nasa 403, 21 sa Dagupan City, 200 sa La Union, sa Ilocos Norte ay mayroong 43 at sa Ilocos Sur na mayroong walong kaso.
Karamihan umano sa naitalang kaso sa rehiyon ay mula isa hanggang apat na taong gulang. Dahil dito, hinikayat ni Bobis ang mga magulang na turuan ang mga anak sa tamang pagsunod sa minimum public health standard na hindi lamang sa COVID-19 na mabisang panlaban kundi maging sa HFMD.
Binigyang diin ni Bobis na ang pagsusuot ng face mask ay mahalaga upang maiwasan ang mga nakakahawang sakit maging ang paglilinis ng mga bagay na madalas na hinahawakan ng isang tao na maaaring makapag-iwan ng virus ng taong may HFMD.
Mahalaga din aniya ang pag iisolate ng mga taong nakakaranas ng sintomas ng sakit upang hindi na ito makahawa.
Patuloy ang pag-iikot ng kagawaran sa mga paaralan upang mamigay ng facemask, alcohol at pagsasagawa ng iba’t-ibang programa nang maabot kung papaano nga ba makakaiwas ang mga kabataan sa sakit na nakitang nagkaroon nang pagtaas sa pagbubukas ng klase. |ifmnews
Facebook Comments