Live in Partner na Nambugaw ng 2 Menor de Edad, Kinasuhan Na!

*Cauayan City, Isabela- *Nasampahan na ng kasong paglabag sa RA 9208 o “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ang isang live-in-partner na nambugaw ng dalawang menor de edad sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Esem Galiza, tagapagsalita ng PNP Cauayan, matagumpay nilang naaresto sa boarding house ang suspek na si Jessica Javier, 21 anyos at residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela matapos magsumbong sa kanilang himpilan ang isang biktima na itinago sa pangalang “Karen” ng Luna, Isabela kaugnay sa pambubugaw ng suspek.

Inihayag rin ni Karen na mayroon pa itong isang kasama na naiwan sa boarding house ng suspek na itinago naman sa pangalang “Jenny”.


Sa isinagawang rescue operation ng PNP Cauayan katuwang ang City Social Welfare and Development (CSWD) sa inuupahang bahay ng suspek ay nasagip din ang isa pang menor de edad na si Ana, hindi tunay na pangalan na ibinubugaw rin ni Jessica dito sa Lungsod ng Cauayan.

Batay sa pahayag ng mga biktima kay PSI Galiza, kaliwaan umano ang ginagawang pambubugaw sa kanila ng suspek at dinadala sila sa mga hotel habang naghihintay ang kanilang guest o kustomer.

Nakakatanggap din lamang umano ng isang libong pisong bayad ang mga biktima na kahit tatlong libong piso naman ang iniaabot ng mga kustomer sa suspek.

Tumanggi naman umanong magbigay ng pahayag ang suspek hinggil sa kanyang pambubugaw na ngayon ay nasa kustodiya pa rin ng PNP Cauayan.

Nakatakda namang dalhin sa Solana, Cagayan ang mga narescue upang mailayo sa dating kinagisnan.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang inspeksyon ng PNP Cauayan sa mga bahay aliwan upang masuri kung may mga menor de edad na nagtatrabaho at ibinubugaw sa mga parokyano.

Facebook Comments