
Inirekomenda ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe na gamiting requirement sa pagpaparehistro ng SIM ang “live selfie”.
Ang rekomendasyon ng senadora ay kasunod ng pamamayagpag pa rin ng mga scammer sa panloloko sa maraming mga Pilipino.
Hiniling ni Poe sa National Telecommunications Commission (NTC) na maglabas ng mas pinatibay na implementing rules and regulations (IRR) sa SIM Registration Act kung saan isasama rito ang pagkuha ng sariling litrato.
Giit ni Poe, kahit andyan ang SIM Registration Law ay hindi naman nawala ang mga scammer kaya hiling ng senadora, isama ang live selfie sa requirement sa SIM registration.
Pinatitiyak ng senadora na may sapat na proteksyon sa IRR ang mga subscriber laban sa paglabag sa privacy.
Pinakikilos din ng mambabatas ang mga telecommunications companies na gumawa ng paraan para makasunod din sa selfie requirement ang mga subscriber na mula pa sa malalayong lugar lalo na iyong mga walang access sa internet.
Matatandaang sa pagdinig ng Senado ay ibinunyag ng NBI-Cybercrime Division na nagawa nilang mag-register ng SIM gamit ang fake ID na may larawan ng isang nakangiting unggoy at nadiskubre rin na ang mga libo-libong SIM cards na nakumpiska sa ilang mga POGO ay pawang pre-registered at naglalaman ng e-wallet na ginagamit sa pang-i-scam.









