Livelihood assistance program ng pamahalaan, dapat mino-monitor na mabuti para tiyak ang tagumpay

Inusisa ni Senator Nancy Binay kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez kung napag-aaralan bang mabuti ang ibinubunga ng mga livelihood programs.

Paliwanag ni Binay, dapat itong namomonitor para matukoy ang success rate o kung nakakamit ang layunin na matulungan ang mga kapuspalad at maliliit na negosyo.

Giit pa ni Binay, dapat ay nag-uugnayan din ang mga ahensya na pare parehong may livelihood programs para masigurado na hindi nagkakadoble-doble ang benepisaryo at para mas marami ang makinabang.


Tinukoy ni Binay na pare parehong may livelihood programs ang Departments of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa pagdinig ng Senado ay sinabi ni Secretary Lopez na wala pa silang pag-aaral ukol sa success rate ng mga napagkalooban ng tulong pangkabuhayan.

Nangako naman si Lopez na magsasagawa sila ng survey ukol dito at kanya ding aalamin kung may data sharing ang mga ahensya ng gobyerno para sa mga benepisaryo ng livelihood programs.

Facebook Comments