Maraming micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa Dagupan City ang nakatanggap ng agarang tulong pinansyal matapos ang isinagawang 2026 Enterprise Rehabilitation Financing (ERF) Loan Application Roadshow ng Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan, katuwang ang Small Business Corporation (SB Corporation),noong Huwebes, Enero 29, 2026.
Layunin ng roadshow na ito na magbigay ng pinansyal na tulong at dagdag na working capital sa mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) na naapektuhan ng nagdaang bagyo, partikular sa mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng State of Calamity.
Sa pamamagitan ng programa, tinutulungan ang mga kwalipikadong MSMEs na makapag-avail ng Enterprise Rehabilitation Financing loan upang masuportahan ang mabilis na pagbawi at pagpapatuloy ng kanilang negosyo.
Gabay din ang mga ito sa paghahanda at pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento tulad ng valid government-issued ID, business permits o certifications, patunay ng aktibong bank account, at iba pang supporting documents para sa pagproseso ng loan.
Inaasahan na makatutulong ang programa sa mabilis na rehabilitasyon ng mga negosyo sa Dagupan City at sa pagpapanatili ng katatagan ng lokal na ekonomiya.










