Magbibigay ang Department of Agriculture (DA) ng loan assistance sa 22 mangingisdang apektado ng ‘bangga incident’ sa Recto Bank.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol – sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), maglalabas sila ng ₱25,000 sa bawat mangingisda sa ilalim ng survival response loan program para tulungan silang makabangon mula sa pagkalugi nila matapos ang insidente.
Ani Piñol, ang loan assistance ay payable sa loob ng tatlong taon at walang collateral at walang interest.
Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) naman ay magbibigay ng 30-footer fiberglass boats na kumpleto na sa accessories, kabilang ang makina at mga lambat.
Sabi ni Piñol, 11 bangka ang ibibigay kung saan kada isang bangka ay mapapakinabangan ng dalawang mangingisda habang isinasaayos ang F/B Gem-Ver 1.
Bawat mangingisda ay makakatanggap din ng tig-isang sako ng bigas.
Tinapik na rin ng kalihim ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa dagdag na pondo.
Matatandaang nagdulot ng dalawang milyong pisong pinsala sa mga mangingisda ang Recto Bank incident, kabilang ang isang milyong pisong halaga ng mga nahuling isda, ₱500,000 sa kapital at ₱700,000 para sa fishing boat.