Nagsagawa ng Loan Application Fair ang Department of Trade and Industry o DTI Pangasinan, sa pakikipagtulungan ng tanggapan ni Fourth District Representative Gina De Venecia o mas kilala bilang Manay Gina, upang mapabilis ang pagbibigay ng puhunan sa micro, small, and medium enterprises o MSMEs na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.
Isinagawa ang 2026 Enterprise Rehabilitation Financing o ERF Loan Application Roadshow noong Enero 29 sa Dagupan City National High School Covered Court. Layunin ng programa na mabigyan ng one-day, on-site assistance ang mga negosyanteng nangangailangan ng agarang tulong pinansyal upang makabangon at maipagpatuloy ang kanilang operasyon.
Base sa balita ng PIA-Pangasinan, sinabi ni DTI Region 1 Officer-in-Charge Assistant Regional Director Natalia Dalaten na mahalaga ang ganitong inisyatibo upang mas maraming MSMEs ang makakuha ng access sa rehabilitation loans. Dagdag pa niya, hinihikayat ang mga negosyante na samantalahin ang pagkakataong ito dahil nakatuon ang ERF program sa pagtulong sa mga negosyong sinalanta ng kalamidad.
Sa ilalim ng programa, maaaring makautang ang mga kwalipikadong MSMEs ng hanggang tatlong daang libong piso. Interest-free ito sa unang taon, habang ang natitirang balanse ay maaaring bayaran sa loob ng susunod na dalawang taon na may isang porsiyentong interes kada buwan.
Malugod namang tinanggap ng mga benepisyaryo ang programa. Ayon kay Jessica Roñin, isang small business owner mula Manaoag, malaking tulong ang dagdag puhunan upang makarekober, mapalago ang negosyo, at mapabuti ang kita matapos ang pananalasa ng bagyo.
Samantala, umani rin ng papuri mula sa netizens ang walang patid na suporta ni Manay Gina sa mga negosyante sa ikaapat na distrito. Marami ang nagsabing napapanahon ang inisyatibong ito at patunay ng kanyang patuloy na malasakit sa mga business owners na nagsisikap makabangon.








