Plano ng Japan na palawigin ang Official Development Assistance (ODA) loan o pautang ng hanggang 42.48 billion yen o katumbas ng P20.6 bilyo para sa dalawang proyektong imprastraktura, kabilang ang pag-upgrade ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 railway.
Inihayag ni Japanese Foreign Minister Taro Kono ang intension ng kanyang bansa na palawigin ang ODA loan financing, sa ginanap na Japan-Philippines Foreign Ministers’ meeting sa Tokyo.
Inilatag ni Japanese Foreign Minister Taro Kono kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang loan provision ng 38.101 billion Japanese yen para sa MRT Line 3 Rehabilitation Project at provision ng 4.376 billion yen para sa bagong Bohol Airport Construction at Sustainable Environment Protection Project.
Gagamitin ng Japan ang teknolohiya nito upang i-upgrade ang linya ng tren sa de-kalidad na imprastraktura, nang sa gayon mapagbuti ang kaligtasan at kaginhawahan ng tren.
Inaasahan dahil sa rehabilitasyon ng MRT Line-3, dodoble ang dami ng tren na tatakbo sa 2022, mapagbubuti ang transport volume, mapapaginhawa ang trapiko sa Metro Manila, at mabawasan ang air pollution at climate change.
Gayundin, sa alok ng Japan ng karagdagang pondo para sa pagtatayo ng bagong paliparan sa lalawigan ng Bohol, upang ma-accommodate ang tumataas na bilang ng mga pasahero.
Sa konstruksyon ng bagong Bohol airport, ang lalawigan ay magagawa nang i-handle ang halos tatlong beses na aircraft arrival at departures, mapagbubuti ang convenience o kaginhawaan at kaligtasan ng air transportation at makakatulong na mapalakas ang ekonomiya ng rehiyon.