
Nababahala na ang local airlines sa tumataas na bilang ng mga pasaherong lumalabag sa pagbabawal ng paggamit ng vape sa loob ng eroplano.
Ayon sa AirAsia Philippines, Philippine Airlines at Cebu Pacific — sa kabila ng kanilang mga paalala at signages, may ilan pa ring mga pasaherong nahuhuling gumagamit ng vape sa loob ng palikuran ng eroplano at maging mismong sa kanilang mga upuan sa aircraft.
Nagpaalala ang airlines na may katapat na parusa sa batas ang paninigarilyo o paggamit ng vape sa flight.
Partikular ang paglabag sa Tobacco Regulation Act at Republic Act No. 11900 (Vape Regulation Act), kung saan ipinagbabawal ito sa public transport, kabilang na ang eroplano.
Agad naman na nire-refer ng airline sa airport police ang mga pasaherong lumalabag sa nasabing batas pagdating sa kanilang destinasyon.
Bukod kasi sa multang ₱5,000 pataas, maaari rin silang makasuhan sa ilalim ng Civil Aviation Authority Act (RA 9497).









