Inihayag ng Department of Health (DOH) na wala pa silang natatanggap na ulat na “local case” ng Delta variant ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Dra. Alethea de Guzman, director ng DOH Epidemiology Bureau, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin sila nakapagtatala ng lokal na kaso ng Delta variant na sinasabing mas nakakahawa kumpara sa mga naunang naitalang virus.
Sinabi pa ni De Guzman na wala ring nade-detect na lokal na kaso ng Gamma variant sa Pilipinas.
Aniya, ang mga naunang kaso ng Delta variant na naitala ay pawang mga Returning Overseas Filipino (ROF) o mga galing sa abroad.
Ayon pa kay De Guzman, malaking-bagay ang ipinatutupad na mahigpit na border control kung saan nakatutulong din ang patuloy na pagsunod ng publiko sa mga health protocol.
Dagdag pa ni De Guzman, may ilang lugar sa bansa ang unti-unti nang bumababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 pero sa ngayon ay maitutiring na high-risk area dahil sa virus ang Laguna, Davao Region, Western Visayas, SOCCSKSARGEN at Eastern Visayas.