Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole na pinamumunuan ni Senate President Tito Sotto III ay ginarantiyahan ng National Economic and Develoment Authority (NEDA) na hindi papatayin ang local hog industry ng mas malaking importasyon ng karne ng baboy at pagpapababa sa taripa nito.
Pagtiyak ni Socio Economic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, hindi babaha ng imported na karne ng baboy sa bansa dahil limitado rin ang suplay nito sa world market sapagkat maraming bansa ang apektado rin ng African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Chua, limitado o paunti-unti lang ang pasok sa bansa ng aangkating pork products dahil limitado rin ang kapasidad ng ating cold storage facilities.
Ipinaliwanag naman ni Chua na kailangang ibaba ang taripa sa pork importation para maibaba ang landed cost o presyo ng kada kilo ng imported na karne ng baboy.
Binanggit pa ni Chua na kailangang maitaas ang suplay ng karne ng baboy sa bansa sa mas mababang presyo para matiyak ang sapat nitong suplay at maiwasang magresulta sa malnutrisyon at kakapusan ng pagkain.