Tiniyak ng Department of Health (DOH) na bibigyang prayoridad ng gobyerno ang mga lokal na manufacturer ng Personal Protective Equipment (PPE) sa pag-procure o pagkuha nila ng mga nasabing kagamitan.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) para sa mga PPE.
Habang nakikipag-usap na rin aniya ang Department of Trade and Industry sa ibang supplier ng PPE.
Sa ilalim ng panukalang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, dapat bigyang prayoridad ang mga lokal na manufacturer pagdating sa pagbibigay ng PPE sa mga frontliner.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na inaasahang pipirmahan ni Pangulong Duterte ang Bayanihan 2 sa susunod na linggo.