Wala nang balak pa ang samahan ng mga local producers ng pagkain sa bansa na dumalo sa nakatakdang Food Security Summit ng Department of Agriculture (DA) sa May 18 at 19, 2021.
Ito ang inanunsiyo ni Nicanor Briones ang National Chairman ng Pork Producer Federation of the Philippines kung saan sinabi nito na nagkasundo sila ng iba pang samahan na huwag nang dumalo sa nasabing summit.
Aniya, wala rin naman napapala ang kanilang hanay lalo na’t hindi nakikinig sa anumang suhestiyon si Agriculture Secretary William Dar.
Hindi na rin nila planong makipag-usap pa kay Dar dahil wala naman nangyayari at wala raw kwentang kausap ang Kalihim.
Sa halip na dumalo sa Food Security Summit, magsasagawa ng hiwalay na Food Congress ang mga producer ng baboy, baka, manok, palay, sibuyas, gulay at iba pa para bumalangkas ng mga hakbang at solusyon sa usapin ng produksyon, suplay at presyo.
Ang mga rekomendasyon na mabubuo ay kanila naman isusumite sa Senado, Kamara at Malakanyang.