Pinamamadali ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co ang produksyon ng mga syringes o hiringgilya na ginagamit para sa pagbabakuna ng COVID-19 vaccines.
Kasunod ito ng pagkakatuklas sa kakapusan ng syringes para sa COVID-19 vaccines matapos na magreklamo ang ilang LGU na kulang sila sa nasabing gamit dahilan kaya bumabagal ang vaccination rate.
Bunsod nito ay isinusulong ni Co ang pagpapaigting pa sa local production ng syringes upang magkaroon ng development sa sitwasyon ng vaccine supply.
Partikular na pinapakilos ng kongresista ang Department of Health (DOH) na dapat ay umpisa pa lamang ay napakilos na ang mga local manufacturer ng syringes.
Iginiit pa ni Co na ang pagdedeploy ng bakuna sa mga LGUs na walang tamang gamit tulad ng syringes ay walang pinagkaiba sa mga pulis na pinadalhan ng suplay ng bala na hindi naman akma sa kanilang mga armas.