*Cauayan City, Isabela- *Muling nadagdagan ng anim (6) na panibagong kaso ng COVID-19 dahil sa local transmission sa Tuguegarao City, Cagayan.
Batay sa ibinahaging datos ng Provincial Health Office (PHO), positibo sa sakit ang nursing attendant ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na si CV 1408, isang 32 taong gulang na nakatira sa Buntun, Tuguegarao City.
Siya ngayon ay nasa quarantine facility ito ng Lungsod partikular sa Balai Carmela.
Nahawaan naman ni CV 1276 na nagpositibo kamakailan ang kaniyang asawa’t mga anak sa Alan Street, Linao West, Tuguegarao City. Ang asawa nito na si CV 1449 ay nakaranas ng ubo at sipon na nagsimula nitong September 15 at siya ay positibo sa COVID-19 matapos lumabas ang resulta ng kaniyang swab test.
Ang 15 anyos na binata at anak nina CV 1276 at CV 1449 ay kinapitan rin ng sakit at nagkaroon lamang ng sipon si CV 1451.
Maging si CV 1452 na labintatlong (13) taong gulang na binatilyo ay positibo sa sakit matapos mahawa sa ama na si CV1276 ngunit walang ipinamalas na sintomas ng virus.
Kabilang ang 11 years old na babae na nahawaan ng COVID-19. Siya ay si CV 1453 na nagkaroon din ng sipon na simula ng September 15. Ang isang pamilya ay naka-home quarantine lahat sa kanilang tirahan sa Alan Street, Linao West, Tuguegarao City.
Isang asawa rin ng ahente ng food product sa Caritan Norte, Lungsod ng Tuguegarao ang nagpositibo sa sakit at siya y si CV 1454 na 35 anyos na ginang.
Napag-alaman rin na ang asawa nito ay nagdedeliver ng food products sa Tuguegarao City, Isabela, Tabuk, Alcala at Baggao. May lagnat at ubo ang pasyente at naka-home quarantine.
Kaugnay nito, umaabot na sa 80 ang aktibong kaso sa Cagayan at karamihan dito ay mula sa Tuguegarao City na nakapagtala ng 43 na kaso; ang Lal-lo ay sampu (10), Baggao (7), Buguey (3), dalawang (2) positive case sa bawat bayan ng Gattaran, Sta. Ana at Tuao.
Habang tig-isa (1) sa Abulug, Amulung, Aparri, Camalaniugan, Enrile, Gonzaga, Iguig, Pamplona, Peñablanca at Piat.
Dahil sa mga bagong kaso na naitala ay umakyat na sa 358 ang kaso ng COVID-19 sa Cagayan, 275 ang mga nakarekober at may apat (4) na namatay.