Maaga pa para sabihing mayroon nang local transmission ng monkeypox sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Rontgene Solante, isang infectious disease expert na sa apat na kaso ng monkeypox na naitala ng Department of Health (DOH), isa lamang dito ang walang history ng pagbiyahe mula sa mga bansang maraming naitalang kaso ng monkeypox.
Paliwanag ni Solante, kung ang apat na kasong ito ay wala talagang kasaysayan ng pagbiyahe, pwedeng masabi na may local transmission na.
Importante aniya ngayon ay huwag mag-panic at dapat aniyang ang mga ospital ay maitaas ang antas ng detection sa ganitong uri ng sakit.
Kapag kasi mas maraming na-detect na kaso ng monkeypox, mas malaki ang tyansa na agad silang ma-isolate at magagamot para hindi na kumalat pa sa mas maraming populasyon.
Dagdag pa ni Solante, importanteng proteksyon laban sa monkeypox ay itaas ang kamalayan sa monkeypox at surveillance upang matigil o mapigilan ang hawahan.