Local transmissions ng COVID-19, kailangan pa rin mahinto ayon sa DOH

Iginiit ng Department of Health (DOH) na kailangan pa ring makontrol ng bansa ang local transmissions ng COVID-19.

Ito ay sa harap ng pagbawi ng community quarantines sa 41 probinsya at 11 siyudad.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bagamat mababa ang COVID-19 infections sa mga itinuturing na low-risk areas, kailangan pa ring sundin ang minimum health standards tulad ng physical distancing, temperature checks, at proper hygiene.


Hindi pa rin dapat magpakampante ang publiko habang wala pang bakuna para sa COVID-19.

Iginiit ni Vergeire na posible pa ring tumaas ang kaso kapag ibinaba o binawi ang lockdown.

Mahalaga aniya na maiwasan ang ikalawang bugso o second wave ng COVID-19 infection.

Ang mga lugar na ikinokonsiderang low-risk areas ay kung ang doubling time ng kaso ng coronavirus ay higit sa 30 araw, at kung mayroon itong 30% regional critical care utilization rate.

Ang mga moderate risk areas ay mayroong doubling time ng mga kaso na aabot mula pito hanggang 30 araw, habang ang mga high risk areas ay mayroong doubling time na aabot sa pitong araw pababa.

Facebook Comments