Nakitaan ng National Task Force against COVID-19 ng positibong resulta ang paglaban sa pandemya mula sa community o barangay level.
Sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) kagabi, ayon kay NTF Chief Implementer Carlito Galvez Jr. ang patuloy na pagbaba ng daily COVID-19 cases ay bunga ng localization ng National Action Plan (NAP) lalo na at nauunawaan na ng lahat ang pagsunod sa minimum health standards.
Dagdag pa ni Galvez, nag-improve ang sitwasyon sa Cebu City kung saan nagawa nitong mapababa ang kaso ng COVID-19 matapos silang ituring na hotspot noong Hunyo.
Pinuri rin Galvez ang local chief executives sa Metro Manila dahil sa kanilang performance sa paglaban sa pandemya.
Nagawa ng Metro Manila na bawasan ang active cases nito mula 20,000 nitong Setyembre patungong 7,830 ngayong buwan.
Naging matagumpay din ang Bataan sa kanilang kampanya laban sa COVID-19, kung saan mula sa 800 COVID-19 cases ay napababa na lamang ito sa 300.