Localized ECQ sa 30 barangay sa Pasay City, posibleng alisin na bukas

Nagpupulong na ngayon ang mga otoridad at ang Pasay City Local Government Unit (LGU) hinggil sa posibleng pag-lift bukas ng umaga sa pinaiiral na localized lockdown sa 30 mga barangay sa lungsod.

Ito ay mula sa kabuuang 77 na mga barangay sa Pasay na inilagay sa localized Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, natapos na ng 30 mga barangay ang kanilang 14 na araw na quarantine na sinimulan noong February 18.


Tapos na rin aniya ang mga kaso ng COVID-19 sa naturang mga barangay.

Nilinaw naman ng alkalde na 210 households lamang ang naka-lockdown mula sa 77 mga barangay na nasa ilalim ng localized ECQ at patuloy na binibigyan ng ayuda ang mga residente rito kabilang na ang mga pagkain.

Habang ang Barangay 183 aniya ay total lockdown ang kanilang ipinatutupad dahil sa 5 clusters ng COVID cases ang naitala rito.

Hindi naman kumporme si Mayor Rubiano sa rekomendasyon ni dating National Task Force (NTF) adviser Dr. Anthony Leachon na ilagay ang buong Pasay City sa ECQ.

Aniya, may malaki kasi itong impact sa ekonomiya ng National Capital Region (NCR) at maging ng buong bansa.

Ito ay dahil sa ang Pasay City aniya ang sentro ng travel hub dahil nasa kanilang lugar ang mga paliparan gayundin ang transport terminals at Light Rail Transit o LRT.

Facebook Comments