Naipasa na ng Muntinlupa City ang Freedom of Information (FOI) Ordinance of 2020.
Ito ang ika-4 na lungsod sa National Capital Region (NCR) na nag-localize ng FOI bill upang matiyak ang transparency sa lokal na pamahalaan.
Una na ring nagpasa ng ordinansa para sa localized FOI bill ang Pasig, Valenzuela at Quezon City.
Nilagdaan ni Mayor Jaime Fresnedi ang FOI Ordinance of 2020 upang bigyan ang Muntinlupa at non-Muntinlupa residents ng access sa impormasyon, officials’ records, public records at documents.
Sa ilalim ng ordinansa, ang mga departamento ng Muntinlupa LGU ay kinakailangang gawing available ang mga public records tulad ng mga kontrata, transaksyon at anumang impormasyon na hinihiling ng publiko, maliban sa sensitibong impormasyon at mga bagay na nakakaapekto sa pambansang seguridad.
Ang kabiguan ng sinumang opisyal ng gobyerno na sumunod sa mga probisyon ng ordinansa ay magiging batayan para i-reprimand sa first offense, pagsuspinde ng isa hanggang tatlumpung araw para sa second offense at pagtanggal sa serbisyo para sa third offense.
Ang Public Information Office naman ang itinalaga bilang tanggapan na may kinalaman sa Freedom of Information bill.